SUGILANON NI AKLA: PAKIKIBAKA NG MGA BEKI SA ESPASYO NG INTERNET
Keywords:
blog sites, LGBTQIA+, naratibo, negosasyon, QueerAbstract
Hindi nanganganak pero dumarami. Ito ang nakatutuwang palaisipan sa hindi mapigilang paglawak ng komunidad ng LGBTQIA+. Sa pag-aaral na ito pinagtuunan ang usapin ng ikatlong kasarian sa pamamagitan ng pag-aaral sa mga naratibo mula sa mga piling blog site na nagpapakita ng gay empowerment upang malaman kung paano nila hinarap ang buhay sa kabila ng mga pagsubok na naranasan. Ginamit sa pag-aaral ang teoryang queer, teoryang negosasyon at teoryang pagbasa-pagtanggap sa pagsuri sa mga naratibo upang mapalutang ang kanilang lakas at positibong katangian sa kabila ng mga hinarap na pagsubok sa buhay. Deskriptibong pamamaraan ang ginamit ng mga mananaliksik at purposive ang proseso ng pagkuha ng mga datos sa internet partikular sa mga blog site. Isinaalang-alang din ang ilang kraytirya sa pagpili ng mga blog site. Natuklasan na ang labinlimang (15) naratibo ay pumapatungkol sa kuwento ng pagbangon at pagtatagumpay ng mga bakla mula sa ibat ibang pagsubok na hinarap nila sa buhay. Ilan sa mga pagsubok na naranasan ng mga bakla sa naratibo ay ang takot na magladlad, hindi pagtanggap ng pamilya at lipunan, problemang pinansyal, niloko ng ibang tao, pagkakaroon ng sakit na AIDS at hindi makapagpahayag ng saloobin. Samantala, hinarap naman nila ang mga pagsubok na nabanggit sa pamamagitan ng pagpapahalaga at pagtanggap sa sarili, pagiging madiskarte sa buhay, pagkakaroon ng positibong pananaw at lubos na pagmamahalan. Bunga ng mga nabanggit na karanasan, lumalabas na may lakas at positibong katangian ang mga bakla na ipinakikita sa mga naratibo tulad ng pagiging matapang, mapagmahal sa pamilya at sa kapwa, pagiging mapamaraan sa buhay, at pagkakaroon ng positibong pananaw. Sa kabila ng lahat ng mga pagsubok ay empowered ang mga homosekswal sa kasalukuyan. Sa kabila ng mga negatibong puna at pananaw sa kanila ng lipunan, hindi ito naging hadlang upang magtagumpay sila sa karera nila sa buhay.
